SQUEEZE Culture

Torture Bilang Device ng Patalastas

Abet Umil

By: Abet Umil | Squeeze | Published August 6, 2017 | Updated August 16, 2017

0
0

“The virtue of all-in wrestling is that it is the spectacle of excess.” – Roland Barthes

Pagkatapos basahin ‘yong plastik na karatula ng menu, sa taas-dingding ng counter, Kentucky Fried Chicken (KFC) – Mabuhay Rotonda, tumatak sa isip ko ang litrato ng Burrito Sisig. Iniiwisan ko na kasing magkanin dahil tumaas ang lebel ng asukal sa dugo ko at hindi makahanap ng laan na badyet panggamot.

“Isang sisig.” Order ko sa kaherang food clerk.

Number 4 ang numerong itinakda sa paghihintay ko. Sisig at kanin sa mangkok ang dala pag-serve ng clerk. Napaisip saglit kung magrereklamo. Hindi ko tinuloy. Nalimutan kasing magsabi pag-order na burrito ang trip ko. Natira ang kanin pagkatapos ng lantak. Saka tumuloy sa isang miting sa Indiepinoy Music, grupo ng mga musikong may ofis-bahay sa Balic-balic.

Paglipas sanlinggo, saka ko lang napanood ang Burrito Sisig ad campaign na “Colonel’s Most Action Packed Role” sa Facebook Page ng KFC. Mahigit dekada nang balita na lamang ang sinasadya kong panoorin sa TV. Hindi ako nag-iisa sa ganitong resolba kaugnay ng tutok sa midya. Pero di rin talaga ako nakaiwas sa mga palabas na tinaugrian ni Barthes bilang panooring labis, o spectacle of excess, sa TV man o social media.

PATALASTAS BILANG SPECTACLE OF EXCESS

Bakit spectacle of excess ang Burrito Sisig ad campaign ng KFC?

Tingnan muna natin ang mala-pelikulang konspeto at mga sequence:

1) EXT. OBB na nagpapakilala sa umaatikabo sa aksyong “role/roll” ni Pen Medina, bilang Filipino Colonel, habang nakatayo sa harap ng may ngiping bucket ng crane bulldozer. Nagpapalakpakan ang mga tao mula iba’t ibang katayuan sa buhay. Papasok ang dalawang mamang naka-hardhat. Babalutin si Colonel-Medina sa rolyo ng mala-pita (tinapay na balot ng sisig) na sapat ang kapal, paa’t ulo lang ang labas. Araw;

2) EXT. Tumatangging sinasakay pahiga si Colonel-Medina sa bucket ng crane. Maririnig na sumisigaw si Colonel-Medina: “Wala sa usapan ‘to! Sandali. Anong klaseng role ito?” Araw;

3) EXT. Patag na lugar sa nayon. Nagmimiron ang mga tao sa silong ng nakabalangkas na kaliwa’t kanang poste at hambang scaffolding, nasasabitan ng mga balatenggang may mukha ng Filipino Colonel. Habang umaangat ang bucket ng crane, ihuhulog si Colonel-Medina sa pakurbang pulang rampang may mga letrang KFC. Araw;

4) EXT. Gumugulong-gulong si Colonel-Medina sa pababang sementadong hi-way na mapuno ang mga gilid. Araw;

5) EXT. Umiiwas sa gumugulong na si Colonel-Medina ang mga kasalubong na grupo ng mga siklista, nagbibilad ng palay sa banig, at maglalakô ng kawayang papag. Araw;

5-A) EXT. Iniiwas ng grupo ng basketbolista sa kalye, sa gumugulong na si Colonel-Medina, ang isang de-gulong na half-court. Araw;

6) EXT. Gumugulong patawid, si Colonel-Medina, sa de-traffic light na crossing. Araw;

7) EXT. Humihinto, mananatili sa pagkakabalot, at kukuha ng tiket si Colonel-Medina sa toll gate ng expressway. Araw;

8) EXT. Montage ng nagtataasang mga gusali, riles ng MRT. Mapapansin ang mga sasakyang umaandar at dalawang hagad (pulis na naka-motor) sa flyover. Araw;

8-A) EXT. Sandwiched ng dalawang hagad si Colonel-Medina habang gumugulong sa fly-over;

9) EXT. Ilalim ng MRT. Nakapila sa isang gilid ang salubong ng mga tao, nababakuran ng pula-puting streamer ng KFC. Nasa likuran ng gumugulong na si Colonel-Medina ang escort na dalawang hagad. Araw;

10) INT. Nababakuran ng pulang tape ang dalawang panig ng mga taong nagpapalakpakan at kumukuha ng litrato habang gumugulong sa aisle si Colonel-Medina. Sa taas na dingding, mapapansin ang mga balatengga ng mukha ni Colonel-Medina sa hanay ng mga posteng semento. Laladlad galing rolyo ng pita si Colonel-Medina. Pahigang nakatagilid siyang itutukod sa kinilig na ulo ang isang kamay. May mag-aabot ng Sisig Burrito. Iaayos ng dalawang mamang naka-hardhat sa isang palataporma habang tukod ang siko sa patagilid na pagkakahiga at may hawak ng burrito ang isa pa. Magdideklarang siya ang bagong Coronel ng KFC saka ipapakilala ang burrito. Palakpakan.

Dahil surreal, sa loob ng isang minuto: anim na segundo (1:06), swabe ang pasok ng spectacle of excess sa muwang ng manonood. Sinasabi ni Barthes na panooring labis ang wrestling dahil sa exaheradong galawan ng magkalaban sa ring. Umaabot sa puntong para itong torture dahil pinahahalata ang pagiging talunan – ngudngod na sa kambas, suray lumakad, duling ang talunan, sinasatsatan pa ng mandaraig. Walang dangal.

ROLYO NG TORTURE

Iba nga kaysa wrestling ang mga eksena ni Medina bilang Colonel na Pinoy. Pero halatang torture ang kinasangkapan sa banghay ng patalastas para ipasok ang pagpapakilala sa produktong ipinang-uungos sa mga kakumpetensiyang fastfood, at pinagduduldulan sa manonood. Mahihiraya ang inabot ng mga biktima sa ilalim ng diktadura ni Marcos, na nilalagay sa steel drum saka pinagpupupukpok gaya ng nasa kantang “The Warning” ni Chikoy Pura. Sa panunungkulan naman ngayon ni Pang. Rodrigo Duterte, bukod sa pagdakila niya kay Marcos, habang sumasagsag ang tokhangan ay parang burritong nakabalot ang mga biktimang natatagpuan.

Trabaho lang ito kay Medina, pero hindi maitatatwa ang ibig sabihin ng mga imahen ng isinuko na Pilipinong kaisipan sa pamamagitan ng pagbihis-Colonel ng aktor. At ang pagkalugod ng mga miron sa panonood ng torture. Lahat ito ay isinuma ng tema ng production design ayon sa disenyo ng mga dausan ng okasyon ng Nazi para kay Hitler.

At ang sisig bilang pagkaing Pinoy, sinakop ng menu ng dayuhang franchise sa panahon ng globalisasyon at ikalawang taon ng “Change Is Coming.” Ang sisig ay pinasikat noong dekada 70 ni Aling Lucing, o Lucinda Lagman Cunanan, ng Angeles City. Samantala, pinasikat noong dekada 50 ni Harland Sanders, dating sundalo at manggagawa, sa Kentucky ang KFC. Mukha ni Sanders ang icon ng KFC.

Patok sa mga lumaki sa wrestling, sa mga karakter ng cartoons na pukpukan nang pukpukan ng ulo, sa mga naghuhumiyaw na tama lang ang dinanas na mga torture sa ilalim ng diktadurya ni Marcos at ng mga sumunod pa. Hanggang sa kasalukuyang Batas Militar ni Duterte. Nasa 527,000 views pa lamang ang bidyo-patalastas nito nang simulan ang artikulong ito. Umaabot na sa lagpas tatlong milyon (3M) ang views nitong Agosto 6, 2017.

Mula sa pagiging manggagawa, instrumento na ng monopolyo si Sanders. Lubos ang pagyaman niya mula panahon ng Cold War at lagpas sa pagguho ng rebisyonismo ng USSR. Mayroon nang mahigit 100 sangay sa Pilipinas ang KFC.

Layunin ng torture na paliitin ang pagkatao ng tino-torture gaya ng Filipinong Colonel. Patalastas man o tunay na buhay, hindi nagkakalayo ang ibig sabihin ng ad campaign sa nangyayari sa indentidad ng Pinoy. Tastas man ang inabot ng mga bulsa at isipan, matututuhan pang magsulsi habang may kapwang pulso na pumipintig.

 

Mga Sanggunian:

Barthes, Roland. “The World of Wrestling.” Mythologies, Hill and Wang, 1954.

Hitler Speech in Weimar 1936: “10 Years – 1926 to 1936”. Russel Kurt. , 30 Nov. 2014, www.youtube.com/watch?v=vYnciX3IIvc.

mazel, ella . “12. Human rights.” The purpose of torture — Chapter 3, ellamazel.org/notinmyname/chapter3.htm. Accessed 4 Aug. 2017.

Pen Medina Most Action Packed Role/Roll. KFC, 2 Aug. 2017.

Pura, Chikoy. “The Warning.” Comp./Perf. Karapatang Pantao. DYNA Products. 1989. Cassette Tape.

“(Update) ‘Sisig Queen’ Murdered.” Gma News Online, 2008, www.gmanetwork.com/news/news/regions/89798/update-sisig-queen-murdered/story/.

Whitworth, William. “Kentucky∼Fried.” The New Yorker, 14 Feb. 1970, www.newyorker.com/magazine/1970/02/14/kentucky-fried.

Show comments