SQUEEZE Opinion

Speaxout: Nasa Point na Ako ng Aking Buhay…

Jerico Obbus

By: Jerico Obbus | Squeeze | Published December 11, 2017 | Updated December 12, 2017

0
0

Dahil uso na rin sa social media ang pagdurugtong ng mga katagang “Nasa point ako ng aking buhay…,” sige na nga at makikiuso na rin ako rito.

Habang isinusulat ko ito, hindi ko maiwasang maluha dahil inaalala ko rito ang mga desisyon at bagay na parehong hindi ko pinaghinayangan at mga pinaghihinayangan ko, mga bagay na hindi ko nagawa noon. Pero ganun talaga ang buhay, kailangang magpatuloy.

Nasa point na ako ng aking buhay na dapat ko nang kilalanin — o kilala ko na dapat — kung sino sa aking mga kaibigan ang dapat ituring na tunay na kaibigan at sino ang hindi.  Sa totoo lang, konti lang ang masasabi kong tunay na kaibigan na handang makinig sa aking nararamdaman. At may mga kaibigan pa naman ako na kapag kasama ko sila, hindi mawawala ang konting asaran. Kung noon, medyo balat-sibuyas pa ako pagdating sa mga biruan at asaran, ngayon ay nakokontrol ko na rin kahit papaano ang pagiging pikon at maramdamin ko. Nasa point din ako na naiisip kong, sana naaalala pa rin nila ako. Pero hindi lahat, e. Saklap nun, bes!

Nasa point na rin ako ng aking buhay na gusto ko ring mag-travel — pumunta sa ibang lugar, kahit sa mga kalapit na lugar gaya ng Batangas o sa Tagaytay, nang mag-isa kapag Semana Santa o kahit anong araw na may bakasyon (siguro kapag may sapat na akong pinagkakakitaan).  Gusto ko kasing maranasan ang sariwang hangin ng probinsiya at magkaroon ng panahon para sa aking sarili na muling makapag-isip at mapagnilayan ang mga bagay-bagay na gusto kong gawin pa sa buhay.

Nasa point ako kung saan, sa tingin ko, dapat ko pa ring ituloy ang pagsusulat matapos akong gumraduate o di kaya’y para lang may mapaglibangan ako. Sa kasalukuyan, ako ay ang Editor-in-Chief ng aming campus newspaper sa kolehiyo, pero inaamin kong nakapagsusulat lamang ako kapag may artikulo na naka-assign sa akin. Sa dami ng mga naiisip kong isulat, hindi ko alam kung papaano ko sisimulan, pero carry lang, bes! Ngayon, nasa point na sisimulan ko nang magsulat base sa kung ano ang nararamdaman ko sa ngayon na pwede kong i-share sa iba.

Nasa point na rin ako ng buhay ko na balang araw, kapag nagkaroon na ako ng trabaho at stable na pagkakakitaan, gusto ko nang maging maingat at alagaan na ang aking sarili, lalo na sa aspetong pangkalusugan.  Meron akong asthma simula nung bata pa ako, at nakulong na ako sa mentalidad na hindi mo na magagawa ang mga bagay na nagagawa ng normal na bata, gaya ng physical activities at kung anu-ano pa.

Nasa point rin ako na medyo pinagsisihan ko rin yun, at dumating sa point na medyo kinainggitan ang mga ka-edad kong nagpalaki ng katawan. Pero nang mabalitaan ko na nagpalaki ng katawan kahit nagkaroon rin siya ng asthma ang ice skater na si Michael Christian Martinez, ang pambato ng Pilipinas sa Winter Olympics noong 2014 sa Russia, medyo nabuhayan na rin ako ng loob kahit papaano. Pangako ko sa sarili ko, aalagaan ko na ang aking sarili dahil ito na rin ang magiging puhunan ko sa aking magiging trabaho sa hinaharap. Werpa!

Nasa point na rin ako na dapat kong mahalin at pahalagahan ang aking pamilya, lalo na ang aking magulang, na kahit pagod na sa trabaho at magkabaon-baon na sa utang, hindi pa rin kami iniwan. Isang semester na lang ang aking bubunuin sa pag-aaral sa kolehiyo, at balang araw, masusuklian ko rin ang kanilang mga paghihirap kapag nakapasa na ako sa LET (Licensure Examination for Teachers) at maging isang ganap nang guro. Ika nga, laban lang para sa pamilya!

Nasa point na rin ako na tama rin pala na hindi ako nagkaroon ng jowa simula nung high school hanggang ngayong nasa kolehiyo ako. Dahil na rin sa hindi pa talaga ako handang pumasok sa isang relasyon na dalawang emosyon ang pwede mong asahan – saya at kasawian. Dahil na rin siguro sa aking mindset na ang pagkakaroon ng jowa ay sayang lang sa pera at effort, at dahil na rin sa paniniwalang darating rin sa akin ang tamang panahon gaya nina Alden at Yaya Dub.

Nasa point na rin ako ng aking buhay na minsan nawawalan na ako ng koneksyon sa Diyos, pero alam ko pa rin sa sarili kong hindi niya ako pababayaan. Nasa point din ako na handa ko pa ring tanggapin si Hesus bilang aking tagapagligtas kahit nakakagawa man ako ng kasalanan, kasi wala namang taong ipinanganak na perpekto — na kahit sobra mong talino, makagagawa at makagagawa ka pa rin ng kasalanan.

Marami pa sana akong ilalagay na ilang mga bagay na kung nasaang point na ako, ngunit hindi ko na isasama. Samakatuwid, ito ang magpapaalala hindi lang sa akin, kundi sa lahat na kahit nasaang point ka na ng iyong buhay, bibigyan pa rin tayo ng pagkakataon ng Diyos na gawin ang mga bagay na hindi mo nagawa, baguhin ang sarili at gawin kung ano ang makapagpapasaya sa iyo.

Ikaw, nasaang point ka na ba ng buhay mo, ‘teh at ‘kyah?

Show comments