SQUEEZE Educ Digest

Pagganyak sa Kabesang Tales

Errol John Gumogda

By: Errol John Gumogda | Squeeze | Published November 14, 2017 | Updated February 14, 2018

0
0

Magtanim ay ‘Di Biro… O ang Joke Time na Kalagayan ng mga Magsasaka sa Lipunang Laganap ang Unli Rice

Personal kong paborito ang Kabanata 4 (Kabesang Tales) ng El Filibusterismo ni Jose P. Rizal. Bukod kasi sa napakaraming isyung panlipunan ang maitataas at mabibigyang-diin, paborito kong tauhan si Kabesang Tales. Bukod pa ro’n, nakapagpakita ako ng dekonstruksyon sa awiting “Magtanim ay ‘di Biro,” isang nursery rhyme na inaawit nila nang hindi lubos na naiintindihan ang mensahe ng trahedya ng pagiging magsasaka sa bansang makanin ang mga mamamayan.

Ginawa kong interesante ang alternatibong pamagat (“Magtanim ay ‘Di Biro…”) ng talakayan sa klase para hindi lang “Kabanata 4, Kabesang Tales” ang mababasa nila. Isa itong mabuting hakbang upang makakita sila ng bago sa araw-araw na talakayan.

Ginamit kong Pagganyak o Motibasyon ang pagpaparinig ng kantang “Magtanim ay ‘di Biro” at inisa-isa kong ipinaliwanag ang bawat saknong ng kanta at pagro-romanticize sa kahirapan at trahedya ng pagsasaka.

 

1.

Magtanim ay ‘di biro

Maghapong nakayuko

Di man lang makaupo

Di man lang makatayo

Braso ko’y namamanhid

Baywang ko’y nangangawit.

Binti ko’y namimitig

Sa pagkababad sa tubig.

 

2.

Sa umaga, paggising

Ang lahat, iisipin

Kung saan may patanim

May masarap na pagkain.

 

3.

Halina, halina, mga kaliyag,

Tayo’y magsipag-unat-unat.

Magpanibago tayo ng lakas

Para sa araw ng bukas

(Bisig ko’y namamanhid

Baywang ko’y nangangawit.

Binti ko’y namimintig

Sa pagkababad sa tubig.)
4.

Kay-pagkasawing-palad

Ng inianak sa hirap,

Ang bisig kung di iunat,

Di kumita ng pilak.

 

Sa unang saknong, inilahad ang labis-labis na hirap ng pagsasaka. Hindi lang pagtatanim ang ginagawa ng mga magsasaka. Nariyan ang…

  • pagdidilig
  • pag-aararo
  • pag-aani
  • pakikidigma sa mga peste
  • pagsisinsin ng mga ani

Malubhang suliranin ang makikita sa ikalawang saknong. Nariyan ang kawalan ng sariling lupa ng mga magsasaka, kaya, isang isipin sa kanila ang maghanap ng mga patanim mula sa mga panginoong may-lupa na tiyak na gagatas sa kanilang lakas at paghihirap dahil sa di makatarungang hatian ng ani. Sa ikatlo at ikaapat na saknong mababakas ang trahedya ng paulit-ulit na siklo ng paghihirap ngunit walang pag-unlad.

Ngunit sa kabila ng ganitong kamalayan, isang ‘di magandang biro ang kinalalagyan ng ating mga magsasaka. Birong may dugo. May paglapastangan sa karapatan.

  • Hacienda Luisita Massacre (November 2004)
  • Kidapawan Massacre (April 1, 2016, bago bumaba sa puwesto si PNoy)

At ang isa sa mga nakalulungkot na katotohanan, mababa ang tingin natin sa mga magsasaka. Kadalasan silang laman ng ating mga biruan at pang-aasar.

Pag magkasama tayo, mukha akong magsasaka. Tapos ikaw ‘yong kalabaw.

Bakit nakatupi yang pantalon mo? Magsasaka ka ba?

Pupunta tayo ng mall pero mas mukha kang pupunta ng bukid!

Magpapa-mani-pedi na ko. Pangmagsasaka na kuko ko.

 

Na para bang ito ang pinakamababang uri ng trabaho na kung tutuusin, sila dapat ang mayayaman sa ating bansa dahil sila rin ang naglalagay ng kanin sa mga plato natin. Kaya naman isang ‘di nakatutuwang biro ang unti-unting pagkaubos ng mahuhusay nating magsasaka na kadalasang namamatay sa katandaan nang hindi naipapamana sa kanilang mga anak ang dangal ng bokasyong ito. Kinukulang tayo sa mga batang magsasaka dahil kadalasang ayaw manahin ng mga anak ang trabaho lalo’t walang pera dito.

Sa huling bahagi ng Pagganyak, binigyang diin ko na hindi akma ang tono ng kanta sa mensahe at trahedyang danas ng ating mga magsasaka. Na hindi patas ang gobyerno at lipunan sa kanila. Na ang kanilang paghihirap ay inaawit sa masayang ritmo, bago magsimula ang klase sa loob ng mga paaralang miminsan lang nilang napasukan

Show comments