SQUEEZE Culture

Spoken Word: Mima

Ma. Andrea Fimmela M. Gamulo

By: Ma. Andrea Fimmela M. Gamulo | Squeeze | Published August 6, 2017 | Updated August 16, 2017

0
0

Maraming klase ng pagmamahal. May pagmamahal na madamot, mapagbigay, mahirap tanggapin at intindihin, may patas, may maduga, may inagaw, may nang-agaw, may walang hanggan, abusado, tanga. Pero wala ata ni isa sa kanila ang makakapantay sa pagmamahal ko sa ’yo.

Maraming dahilan pero ito ang ilan kung bakit mahal na mahal kita.

UNA, SINUNGALING KA.

Kahit halatang-halata ko na sa iyong mga mata na pagod ka na sa kakatrabaho, kahit kailan ‘di ka nagreklamo na ikaw ay napapagod na. Kahit na paborito mo ang dala mong pagkain, sinasabi mo na hindi mo gusto dahil mas gusto mong ibigay sa akin ‘to. Pero aminin mo, minsan naghahabulan pa tayo para dito.

MAKULIT KA.

Sa tuwing ako ay aalis, walang humpay na text ang aking natatanggap galing sa iyo. Paulit- ulit mong sinasambit na lagi akong mag-iingat. Araw-araw mong sinasabi na mag-aral ako nang mabuti. Lagi mo ring ipinapaalala na ‘wag na ‘wag akong magbibisyo.

MAYABANG KA.

Panay ang kwento mo sa iyong mga kaopisina na magaling ako sa klase. Ipinagmamalaki mo sa aking mga kaibigan sa tuwing nakakuha ako ng award. Pinagsisigawan mo na ako ang pinaka-the-best na anak at na balang-araw magiging isang Dentista. Kaya naman ginagalingan ko para sa ’yo.

MAGASTOS KA.

Kahit ‘di naman ako nagpapabili ng gamit, pag-uwi ko may bago na akong gamit. Binibilhan mo pa nga ako ng mga gusto kong libro kahit alam mong hindi ko naman ito babasahin at nagustuhan ko lang dahil sa cover. Taon-taon mo rin akong binibilhan ng almanac noon. Kahit simpleng t-shirt lang ang pinabibili ko, bibili ka ng masyadong makulay. Kahit minsan wala ka na, pero halata mong kailangan ko, ibibigay mo pa rin sa akin.

MAINGAY KA.

Mas malakas pa sa tilaok ng manok at ng alarm clock ko ang boses mo. Pwede mo na ngang palitan si Eminem at si Gloc 9 sa pagiging rapper mo kapag nag-aaway tayo.

GALA KA.

Lagi mo akong niyayang pumunta kung saan-saan. Sa mall, tiangge, kainan, park at sa iba pang mga lugar. Tapos sa mall; iikutin natin ‘yon. Titingnan-tingnan mo yung mga damit at iba pang mga produkto. Pero ‘di ka naman bibili. Sabay sabing, “Nak, gusto mo ba ‘yon? Hayaan mo sa sweldo ko ibibili kita niyan.” Sabay didilaan mo pa ako ng nakakaloko, sasayaw ka pa, at ako naman ‘tong si pikon.

MAPILIT KA.

Palagi mo na lang akong pinipilit wag kumain ng kanin dahil sabi mo ay pampapayat ‘yon. Ang sabi mo pa nga palagi na sabay tayong magpapayat. Pero kasabay din naman kitang patagong bumaba sa kusina kapag madaling araw.

MATARAY KA.

Kapag nakikita mo na may nang-aaway sa akin, agad na tumataas ang iyong kilay. Nanlilisik ang iyong mga mata at agad nang aalis ang aking kaaaway.

At higit sa mga dahilang ‘to, mahal kita kasi…

‘DI KA PERPEKTO.

Pero lagi mong pinipilit maging perpekto. Noong nag-away nga tayo, inisip mong wala kang kwenta, bigo ka sa pagiging ina. Pero ewan ko ba sa ‘yo! Lagi mong pinipilit maging perpekto. Para makayanan mo lahat at malagpasan mo ang mga problema. Para ‘di ko mahalata na napapagod ka na pala, nasasaktan, nanghihina, at minsan halos pasuko na.

Pero hindi, pinipilit mo pa ring maging perpekto para makita ko na malakas ka. Upang lumakas rin ako sa pag-abot ng mga pangarap nating dalawa. Palagi mo ngang sinasabi sa akin na iwan man ako ng mundo, si Mima nandiyan pa rin.

Kaya ngayon, mas dumami pa yung rason kung bakit mahal kita. Kasi ang oras sa mundo, limitado lang pala. Pero kaya natin ‘to, kayanin mo. Dahil kinakaya ko rin. Hindi ko man madalas sabihin o maipakita pero kinakaya ko para sa ‘yo.

* Maraming salamat, Ate Camille, sa pagtulong sa aking maisulat ito.

Show comments