SQUEEZE Culture

Kulitan sa Panahong Disiplina ang Kailangan

Abet Umil

By: Abet Umil | Squeeze | Published December 10, 2017 | Updated December 10, 2017

0
0

Kadalasang nagbabasa ng tabloid si Mang Julian. Habang kakwentuhan ni tatay si Mang Hermie tungkol sa pinakahuling balita ng transistor radio ukol sa batas militar. Ito ang tagpong nagigisnan ko sa harap ng tindahan ng barongbarong namin noong huling tatlong buwan ng 1972. Bahagyang kasisikat ang araw pag naghahanda papasok sa grade six. Bingi at panot si Mang Julian. Mababa sa katamtamang taas si Mang Hermie pero bato-bato ang pangangatawan. Pareho silang malumanay magsalita. Hihingin nina tatay at Mang Hermie ang pananaw ni Mang Julian kapag hindi na magkasundo ang pagsuri nila sa editorial ng announcer.

Nangingiti ako sa pagmimiron habang hinihitay sina Rod at Tintin. O kaya, di ilang beses lang ang pagkakataong sila naman ang maghihintay pag tinanghali ako ng gising. Iniisa-isa ni Mang Julian na tanungin ang mga punto ng kausap. Paulit-ulit at namamali ang interpretasyon sa paliwanag ng dalawa bago magkalinawan. Saka halos sabay-sabay silang tumatahimik, pahuhupain ang mga buntong-hininga ng salungatan at pagkakasundo. May umiiling, tumitingin sa malayo at magbabalik-tutok sa buklat na dyaryo.

Nasa kanto ang bahay naming nakaharap sa silangan. Manggagaling sa babang kanluran si Tintin at looban sa timog si Rod. Kaklase ko si Rod at anak ni Mang Julian si Tintin.

Mataas sa tatay ko ang talahiban sa mga gilid ng maalikabok-mabato pag tag-araw, maputik-mabato pag tag-ulan na daan ng purok namin sa Sapang Palay. Pababa sa silangan, tanaw ang mababang paaralan. Magkakahalong kamoteng kahoy at baging, bayabasan, kakawate, kaymito, santol, saging, abokado, sampalok, kawayan, niyog, may mangilan-ilang akasya ang pananim ng tig-iisang libong square meter na lote ang bawat bakuran ng makakapitbahay. Bihira ang buong simentadong bahay. Kung meron man, walang palitada, segundang plywood at yari sa yero. Lahat relocated squatters galing Maynila.

Nagkakataon sa pagpalit ng programa sa radyo ang pagdating nina Rod at Tintin. Minsan nakapagsimula na, o kaya magsisimula pa lang ang tugtog na martsa ng Bagong Lipunan. Sabay-sabay kaming maglalakad, di pansin kung maaga, sakto o leyt ang pasok namin habang pinagkukwentuhan ang palitan-opinyon ng matatanda.

“Ano ‘ka mo, ha, Hermie, Dando?” Gaya-gayang ni Rod ang tono ni Mang Julian.

Modulated ang boses na sasagutin ito nino man sa amin ni Tintin: “Sa ikauunlad ng bayan, bisekleta ang kailangan.”

Pang-elementary ang tawanan namin. Hindi ikinapipikon ni Tintin kahit tatay niya ang katuwaan. Hihirit pa ng isa: “Sa ikauunlad ng bayan, nutri-bun ang kailangan.”

Habang pasulong kami sa Mababang Paaralan ng Bagong Buhay B, papahina ang Bagong Pagsilang na may ganitong lyrics:

May bagong silang,
May bago nang buhay,
Bagong bansa, bagong galaw,
Sa bagong lipunan.
Magbabago ang lahat, tungo sa pag-unlad,
at ating itanghal, bagong lipunan!

Ang gabi nagmaliw ng ganap,
at lumipas na ang magdamag.
Madaling araw ay nagdiriwang,
may umagang namasdan
Ngumiti na ang pag-asa
sa umagang anong ganda.

Minsan, naleyt kami nang pasok. Kalagitnaan na ng Bagong Pagsilang ang naririnig namin ni Rod na kinakanta ng klase habang nakatigil kami sa labas ng pintuan ng classroom. Inaabangan naming matapos muna ang pagkanta saka tityempo papasok. Pagdating sa huling apat na taludtod ng verse, sasabayan namin ang kanta. Pero kukulitin namin ang liriks para palitan ng ganitong dating:

Madaling araw may nagnanakaw
ng manok ni Mang Julian
Ngumiti si Aling Sinta

sa tinolang dumalaga*.

Pigil kaming magbubungisngisan ni Rod. Nasa isip namin si Aling Sinta, asawa ni Mang Hermie, kung paano nagkakaroon ng pag-asa sa diskarte ng asawa para mapasuso ang sanggol nilang pinangalanang “Butotoy.” Saka sasadyaing seryoso ang mga mukha namin papasok. Ang lupit nito, dahil bago magsimula ang klase, pagkaupo ng mga kumanta, patatayuin sa harap ang mga leyt. Gaya nga minsan, kami ni Rod. Walang magagawa kundi natuluyang sumeryoso ang pagmumukha namin sa danas-binatilyong pagkapahiya. Makikita sa taas ng blackboard, at likod na dingding ng klasrum, ang islogang nakasulat sa pink na kartolina.

Pantay-balikat ang taas-kamay naming lahad ang mga palad habang nangangaral si Mr. Santiago, ang adviser namin. Kahalagahan ng disiplina upang maabot ang pag-asang kasisikat sa Bagong Pagsilang na iniaangat sa martsa ng Bagong Lipunan. Huminto sa tapat ni Rod ang palakad-lakad ni Mr. Santiago. Minasdan ang mukha ni Rod. Tumagilid konti ang ulo ng guro. Humataw ang patpat na kawayang hawak niya sa palad ng kaibigang kaklase. Katamtaman ang saltik. Napangiwi si Rod. Inasahan kong ganun lang din ang lalagapak sa palad ko paglipat ni Mr. Santiago sa tagiliran ko. Umalingawngaw.

Pagdilat ko mula sa pagkakangiwi at pagpikit, ipina-recite ni Mr. Santiago sa amin ni Rod ang islogang nakasulat sa pink na kartolina:

“Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.”

Pare-pareho lang ang buhay ng mga pamilya namin nina Rod, Tintin at Butotoy. Madalas magkaubusan ng bigas. Kung makabili man, dadaan sa pilang parang haba ng pila ng manonood sa patok na pelikula nina Ate Guy at Ate Vi, o kaya ni Bruce Lee. Pampuno sa kawalan ng bigas ang mga trigo at pulbos na yellow corn galing China. Pinakasweldo ng mga “nagpupudpod,” galing sa salitang “food-food,” na galing naman sa “food for work.” Patakaran ng barangay sa ilalim ng programang Green Revolution ni First Lady Imelda Marcos. At kapag kapos na kapos, inuutusan ako ng tatay na manghingi sa kapatid niya sa Pasay.

May dalawang taon nang baldado ang kaliwang kamay ni tatay dahil sa saksak ng kapwa niya driver, nang makasagian ang mga bus nila sa Lagusnilad. Tipid ng kalahati ang pamasahe kapag ako kaysa siya, o si nanay, ang luluwas. Tuwang-tuwa akong sumusuyod sa mga litrato ng sinehang magkakasunod mula babaan sa Doroteo Jose, sa kahabaan ng Avenida pa-Lawton. Parang kahalubilo ko ang mga bituin sa lupa. Magtatambaran ang nakapako sa bawat posteng mga karatula ng islogan na may imahen nina Marcos at Imelda habang nakasakay ako sa dyip papuntang Pasay.

Makikitulog mula Biyernes hanggang Sabado. Maglilinis-linis, mamamalengke at kung ano pang mga gawaing kayang gawin. Sa biyahe pauwi nang Linggo pagkapananghalian, magkakasabay na maaalala ang imahen nina Marcos, Imelda, Mr. Santiago, tiyuhin at tiyahing magsisermon muna bago ako abutan ng mga bagay na pakiusap sa kanila ni tatay. Gumagaan ang selan ng pagbibinatilyo kapag binabalikan sa isip ang bersyon ng Bagong Pagsilang namin nina Rod at Tintin. Mataas ang highway na binababaan ko. Lalakarin palusong ang kalsada papunta sa bahay. Masigabo ang sitsit ng mga kuliglig. Nanunuot ang simoy ng amihang nagpapahagkis sa talahib.

*manok na hindi pa nangingitlog kahit isambeses.

Show comments