SQUEEZE Entertainment

OPM is Dead?

Abet Umil

By: Abet Umil | Squeeze | Published August 21, 2017 | Updated August 21, 2017

0
0

“Patay na ang OPM!”

Bulong na biglang umalingawngaw ang pahayag na ito bandang 2010. Kaya naman noong 2014, para buhayin ito, pinasagsag ang kampanya ng OPM (Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit), FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc.), PARI (Philippine Association of the Record Industry, Inc.), MCAP (Music Copyright Administrators of the Philippines), AMP (Asosasyon ng Musikong Pilipino Foundation, Inc.), SOUNDSRIGHT (SOUND RECORDING RIGHTS SOCIETY, INC.), PHILPOP (Philpop MusicFest Foundation Inc.) sa PINOY MUSIC SUMMIT 2014. Sponsored ang summit na ito ng SMART, LANDBANK, PHILIPPINE DAILY INQUIRER at mediapool. Ginanap sa Diosdado Macapagal Hall, Landbank Plaza Bldg., Malate, Manila.

Hindi ilan na fans at musiko, mismo, ang nalito kung partikular na genre, pangkalahatan na tawag sa musikang Pilipino, o ano pa nga ba ang OPM? Pero malinaw kay Chito Miranda, bokalista ng Parokya ni Edgar, na mga mang-aawit ng pop music na miyembro ng OPM (Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit) ang makikinabang sa mga resolusyong pinagkaisahan sa summit para sa pagsulong pa ng OPM. Hindi ang mga tagapagtanghal ng musikang rock at mga indie artist.

Gaya ng paglilimi ni Miranda, inihapag ko ang paglilinaw sa kaibahan ng OPM Orig at OPM Org sa ilang miting ng PMAWD (Philippine Music Alliance for Welfare and Development) na nadaluhan ko noong 2014 at 2015. Kinakailangan ang paglilinaw sa pagbuo ng pahayag ng pagtutol sa gagawing hearing sa Kongreso kaugnay ng OPM Development Act of 2014 (o House Bill 4218), isinulong ni Rep. Teddy Baguilat. Ang panukalang batas na ito ay tumutukoy sa OPM Orig, hindi sa OPM Org. Isa ito sa mga resolusyong pinagkaisahan sa Pinoy Music Summit 2014.

Pare-pareho kasi ang tunog at nakakaumay ito, ayon kay Joey Ayala, kaya sinasabing namatay ang OPM Orig. Pero paanong namatay kung tumutunog pa, bagamat pare-pareho at nakakaumay? Kinomplika ni Ayala ang kalituhan ng fans at kapwa musiko.

 

MALAKAS NA PRESENSYA NG MGA DAYUHAN SA INDUSTRIYA NG MUSIKA

Upang linawin, kailangan ang mga tanong na posibleng mag-aangat ng malay sa pagtingin sa musikang Pilipino tungo sa antas ng unawa. Gaya ng: ang pangyayari ba sa pahayag, ay kamatayan ng OPM Orig bilang produktong pang-aliw? O ‘binurol ito bilang industriya? Baka naman ang ‘nilibing na ay sining at kultura? Ang unang tanong ay pumapatungkol sa di-lantad na motibasyon ng pwersang may kinalaman sa OPM Orig, sa paraang aliwan. Ang ikalawa, bilang industriya. Panghuli, bilang kaluluwa ng sambayanang Pilipino. Sa tingin ko, pinakabatayan sa pagsuri sa pagkamatay ng OPM Orig na tingnan muna ang mga kondisyong ekonomikong akibat na nagpapagana sa larangang kultural ng lipunang Pilipino.

Kung gayon, tutuunan ng artikulo ang kaso ng pagkamatay ng OPM Orig bilang industriya.

Ayon sa paglalarawan ng PARI, ang kondisyong nagbunsod sa OPM Orig ay binubuo ng mga producer ng lokal na rekord, marami sa mga ito lisensyado ng foreign labels at ng mga mang-aawit, kompositor, musiko, taga-areglo, manedyer, PR men, teknisyan, estudyo at duplicator. Idagdag pa ang mga manggagawa sa midya at distributor nito:

“The recording industry is the prime mover of the nation’s entertainment and, to no little extent, also the communications business. It is from the portals of recording companies that music for the radio and television – its main users – night clubs, the theaters, restaurants and other entertainment venues, are derived from.”

Klasipikadong corporate ang kasalukuyang mga kompanya ng recording na miyembro ng PARI: Able Music International, Inc., Alpha Music Corporation; BMG Records (Pilipinas), D’Concorde Recording Corporation, Dyna Music Products, Inc., Galaxy Records, Ivory Records Corporation, MCA Universal, Inc., EMI Philippines, Inc., Praise, Inc., Sony Music Entertainment (Phils.), Inc., Star Recording, Inc., Universal Records, Vicor Music Corporation, Viva Records Corporation, at Warner Music Philippines, Inc.

Ang iba pa ay itinuturing na associates: Amtrust Leisure Corporation, The Bookmark, Inc., Capricorn Records Enterprise, Cobra Productions, Promotions and Management Services, Empire International, Famous Entertainment Corporation, Golden Music Arts, Jesuit Communications Foundation, Inc., Konzert Musictek Corporation, Musikatha Ministries Foundation, Inc., Octave Music Recording, Polyeast Records Corporation, Precision Audio Video Services, Inc., Prime Music Corporation, Reo Records, Sound Publishing, Synergy Music Corporation, Techto Sound Trade International, at Viejo Marketing and XAX Music Entertainment, Inc.

Hindi rin nalalayo itong kasalukuyang sitwasyon ng industriya sa rekording sa sitwasyon noong sinasabing unang golden age ng musikang Pilipino kalagitnaan ng dekada 70. Natukoy sa pananaliksik ng Cultural Center of the Philippines na nanguna noon ang mga Pilipinong prodyuser gaya nina Vic del Rosario at Orly Ilacad ng Vicor Music. Makikita pa sa paglalarawan ng PARI na ang mga miyembro nito at proseso ng pagprodyus ng rekord ay may malakas na presensya na ngayon ng mga dayuhang kompanya, binubuo ng mga taong nagtataglay ng espesyal na kasanayan, mga pasilidad na nangangailangan ng mga instrumento at teknolohiyang nakaasa sa importasyon. Bagamat ang motibasyon ay hayagang pang-aliwan.

Ang operasyon ng mga ito ay tumatagos din sa iba pang subsektor gaya ng midya at iba pang hanay ng negosyo sa pambansang saklaw. Hanggang sa mga komunidad ng OFW sa ibayong dagat. Noong 2004, ang paglikha ng single o dalawang kanta ay nagkakahalaga ng Php 20,000 hanggang Php 35,000. Habang ang halaga sa produksyon ng isang LP/CD, na may laman na sampung kanta, ay nagkakahalaga ng Php 300,000 hanggang Php 400,000.

Gayon man, sa pagpansin ng PMAWD, lumalabas din ang conflict of interest ng ilang myembro ng OPM Org at FILSCAP sapagkat sila ay mga manedyer, author at publisher din na may-ari, kundi man investor ng mga kompanya ng rekording. Sa librong Musika at Bagong Lipunan: Pagbuo ng Lipunang Filipino, 1972-1986, sinasabi ni Raul Casantusan Navarro na bahagi ng salimuot ng industriya sa rekording ang paggamit nina dating Pang. Ferdinand Marcos at Unang Ginang Imelda Marcos sa musika sa pagsulong ng ideolohiya ng Bagong Lipunan sa pamamagitan ng martial law.

Ayon pa kay Navarro, tinutunggali ito ng ligal na pambansa-demokratikong mga aktibista at mga rebolusyonaryo sa ilalim ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines) kasabay ng pampolitika, pang-ekonomiya at pangkulturang produksyon.

 

#OPMisDEAD

Iprenisenta ni Ryan Cayabyab, executive director ng Philpop, noong summit ang nakita niyang apat na trend na nagpahingalo sa OPM Orig. Una, may nagaganap na restructuring sa recording industry ng bansa. Ikalawa, pangingibabaw ng dayuhan sa lokal na musika. Ikatlo, epekto ng abanteng teknolohiya na napasakamay ng mga tagatangkilik. At ikaapat, experimentasyon ng indie artists at record labels sa iba-ibang paraan ng marketing ng musika sa digital age. Ipinakita pa ni Cayabyab sa tinawag niyang #OPMisDEAD ang galawan ng benta ng lokal at dayuhang rekord:

TAON TANTYA NA TAUNANG KITA
Mga huling taon ng dekada 80 Php 400M
Dekada 90 Php 1B
2000 Php 2.1B
2010 Php 699M

 

PATULOY NA PRODUKSYON

Isinantabi ng kongreso ang House Bill 4218. Tinutulan ito ng PMAWD dahil ang isang probisyon nitong nagbibigay insentibo sa OPM Org at FILSCAP ay posibleng magpalala lamang sa korupsyon. Hindi ito tumutugma sa resulta ng sariling “autopsy” nila – na dominasyon ng mga dayuhan ang kanser na dahilan ng pagkamatay ng OPM Orig. Masasabing napasó ang bakunang “Handog ng Pilipino sa Mundo” (Jim Paredes) na nagpasimula nitong OPM Orig at Org noong 1986. Nilulubos pa rin ang paggamot sa impeksyon na hinawa ni Marcos sa musikang ginamit niya sa pagpalawig ng diktadura. Bagamat patuloy ang produksyon ng mga awit protesta. Indikasyong ang pagtutol ay posible pang makapagpapintig ng pulso ng industriyang nasa estadong coma lang pala.

 

MGA SANGGUNIAN:

Cayabyab, Ryan. State of the Philippine Music Industry. Pinoy Music Summit. Manila. 2014.

Cultural Center of the Pilippines, Encylopedia of Philippine Art. Volume VI. Philippine Music. Manila. 1994.

Jimenez, Joyce. Joey Ayala on why people say ‘OPM is dead’. (philstar.com)|Updated November 16, 2015 – 5:00pm.

Navarro, Raul C. MUSIKA AT BAGONG LIPUNAN: PAGBABAGO NG LIPUNANG PILIPINO, 1972-1986. Ateneo de Manila University Press. Quezon City. 2014.

Paredes, Jim. Handog ng Pilipino sa Mundo. 1986

Philippine Asian News Today. Music and Arts. Website. N.D.

Pinoy Music Summit 2014. Media Kit. 19 Mar 2014. Manila.

Yson, Danny. The Recording Industry at a Glance. PARI. 2014.

Show comments