SQUEEZE Educ Digest

#Bastardo: Si Edmund ni Shakespeare

Ken Ishikawa

By: Ken Ishikawa | Squeeze | Published August 16, 2017 | Updated August 16, 2017

0
0

Ang isa sa mga paborito kong karakter ni Shakespeare ay si Edmund, yung bastardo sa King Lear. Minahal ko siya sa linyang “Now gods, stand up for the bastards.” Bakit mo nga naman mamahalin ang kontrabidang nang-agaw ng lupain ng kanyang lehitimong kapatid at nakipagsabwatan sa nakakatandang mga anak ng hari para agawin ang kaharian?

Gusto ko si Edmund dahil kahit makasarili ang kanyang naging paraan, ang kanyang pag-iisip ay pag-iisip ng taong lumalaban sa bulok na pagiisip ng lipunan kanyang kinamulatan.

Ayon kay Edmund, bakit ba naman siya tratratuhing bastardo? Maayos naman ang disenyo ng kanyang katawan at singlawak naman ng kanyang isip tulad ng sa anak na galing sa marangal na babae. Ang problema kay Edmund ay ipinanganak siya sa maling panahon at maling sosyedad. Yung sosyedad na trinutrumpeta ang values ng “traditional families” at imahen ng pamilya bilang mag-asawang lalake at babae na ikinasal at mga anak na galing sa kanilang ugnayan.

Ang masama pa diyan, pangit ang trato sa mga bastardong katulad ni Edmund kahit di naman niya kasalanan kung paano at kanino siya ipapanganak. Sino bang kaluluwa ang gustong maging anak mula sa pagkakasala? Kung nakapipili ang kaluluwa ng buhay na sisidlan, malamang pipiliin nito na mabuhay na sing-gwapo’t sing-ganda ng mga Tom Cruise at Gal Gadot o sing-yaman ng mga Ayala’t Sy.

Dahil di natin napipili kung ano ang anyo ng ating magiging buhay sa ating kapanganakan, masasabi nating parang raffle lang lahat. Lottohan lang ang buhay o kaya’y bahay-sugalan. Maaaring maganda ang baraha mo: poging karakas, pamilyang may hacienda sa Negros. Kadalasan pangit at tayo’y napapanatag na lang at ipinagpapasa-Diyos ang lahat. Ang Panginoon na ating pinapaliit at tinitingnan bilang director at scriptwriter ng ating telenovela.

Hindi matalino ang disenyo ng universe. Yung mga cute na rabbit dinadagit ng buwitre at yung crush mo sinusundo ng lover niyang de-kotse na mainit ang ulo parati. Kaya tayong mga tao ang dapat maging matalino at makita ang buhay bilang milagro’t aksidente na maaring magbigay ng pasaning krus sa iba’t ibang klase ng tao base lang sa konpigurasyon ng kanilang kapanganakan.

Pag-aralan natin at labanan ang mga kwentong dominante sa lipunan na nakakasama sa mga taong sadyang iba ang pamumuhay at pinagmulan sa atin:

Hindi por que bakla, nagdadala na kaagad ng AIDS.

Hindi por que anak ng single mother, e putok sa buho na ang ating itatawag.

Hindi por que may kapansanan ay wala ng kinabukasan o silbi sa lipunan.

Hindi por que squatter, kriminal  o jobless.

Hindi por que drug user, salot sa lipunan. Lahat tayo ay adik ng kung ano-anong bagay – sa babae, sa lalake, sa JaDine, sa romance pocketbook. Sadyang may pinagdadaanan lang at may kaunting problema sa pagproproseso ng mga bagay-bagay.

Maraming kwento sa ating mga libro at pelikula ang ginagawang kontrabida dahil hindi popular ang kanilang ipinaglalaban o salungat sa dominanteng kwento ng lipunan ang kanilang ipinaglalaban. Nagiging katakot-takot lang ang mga taong ito dahil sa layo ng kanilang pupuntahan sa kabig ng kanilang paninindigan. Di ba’t marami na rin namang kontrabidang Muslim at NPA sa ating mga pelikula?

Minsan kailangan talagang isuot ang maskara ng kontrabida para labanan ang sakit ng lipunan, mga hindi balanseng pananaw na ating inaaalayan ng bulaklak, pinagbubulagan ng ating mata, pinagpipinid ng ating isipan. Gusto nilang yanigin ang mundo sa isipan mo.

Titigil lang magkaroon ng bastardo’t kontrabida pag nagbukas tayo ng isip, pag-aralan ang mga kwentong sinasabi natin sa ating sarili, at magsimulang makipag-dayalogo sa ating kapwa tao.

Show comments