SQUEEZE Culture

Ang Uri ng Phenomenon ng OPM (Orig)

Abet Umil

By: Abet Umil | Squeeze | Published December 11, 2017 | Updated December 11, 2017

0
0

Pinasisigabo ng OPM (Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit) et al, record companies ang sari-saring kampanya nila sa TV, radio, print, social media, mall upang patampukin ang mga programa at viral production na bubuhay sa OPM (Original Pilipino Music). Tinangka rin ni Rep. Teddy Baguilat na isulong ang HB 4218 OPM Development Act, sa kongerso noong 2014 bagamat sinantabi ito dahil sa mga pagtutol, gaya ng argumento ng Linangan ng Kulturang Pilipino. Sa parehong taon, nilagdaan ni PNoy ang Proclamation No. 933, nagtatakda sa huling pitong araw ng Hulyo bilang pagdiriwang ng Linggo ng Musikang Pilipino.

Ang mga pagsisikap na ito ay kasunduan ng OPM (Org) et al, nina PNoy, Sen. TG Guingona, Sen. Bam Aquino, midya at commercial center sa naganap na Pinoy Music Summit 2014. Bukod sa mga inisyatiba nina PNoy at Baguilat, iminungkahi rin ng dalawang senador na isama ang OPM (Orig) sa development plan at K12. Ngunit kahit sinabatas ang Linggo ng Musikang Pilipino, hindi naremedyuhan ang mga pagtutol sa kongreso. Napunang maniobra’t sabwatan lamang ang ganitong sectarian at exclusivist na pagtitipon.

Prominente’t tradisyonal nang napapasama sa mga presidential electoral campaign ang mga musiko gaya nitong 2016 at 2010. Si Noel Cabangon ang lumikha ng islogang “Walang Mahirap Kung Walang Korap” para kay Noynoy Aquino.1 Kay JR Prisno galing ang alusyon ng “Kayo Ang Boss Ko” sa talumpati ni PNoy sa unang SONA. Si Freddie Aguilar ang singer-composer ng campaign song ni Presidente Rodrigo Duterte. Siya rin ang kumanta ng Bayan Ko sa inagurasyon kay Pres. Cory Aquino noong 1986. Ngunit mahinang salik pa rin ang pagsusulong ng OPM (Orig) tungo sa kulturang pagkakaisahan ng Pinoy.

Anong uri ng musical phenomenon nga ba ang OPM (Orig)? Anong sining at kultura ang dala-dala nito? Sa aling barangay, o lugar, ng pangkulturang kasaysayan ng Metro Manila at buong bansa ito nanggaling?

Halos ang mga musiko at player ding nasa Pinoy Music Summit 2014 ang mga nagpalaganap sa etiketa o label na OPM (Orig) noong dekada 80. Ngunit katulad ng nauna ritong Manila Sound at Pinoy Rock na mga istilo o genre, dineklara na rin itong patay na, ng mga taga-industriya mismo habang udlot-udlot ang usad ng panlipunan pagbabago.

EKOLOHIYA NG SOUNDSCAPE, O KALATAGAN NG TUNOG

Ano mang musical phenomenon ay bahagi ng anthrophony, tunog na likha ng tao. Samantala, kasama nito ang biophony, pagsasalarawan sa tunog ng mga organismo, hal. huni ng ibon, sitsit ng kuliglig, tahol ng aso; at geophony, hal. hangin, kulog, alon.2 Maidadagdag pa rito ang “sounds of tools and technology”. 3 Ito ang apat na uri ng mga tunog na bumubuo sa ekolohiya ng soundscape, o kalatagan ng tunog, na nagmumula sa espasyo, o cosmopolitan4 na landscape ng Metro Manila.

Ang pag-ilanlang, ng Manila Sound at Pinoy Rock noong dekada 70,5,6 ay pagsaliw sa mga tilaok ng manok, alarm clock, lagaslas ng tubig sa gripo, sagitsit ng bawang sa pagsangag, lagutok ng kawali’t sandok, arangkada ng mga sasakyan, garalgal ng lagare sa kahoy, pukpok ng martilyo sa pako, sikwat ng pala sa halò at hugong ng truck mixer ng buhangin-tubig-graba-simento, kalansing ng mga kabilyang ibinalangkas sa mga imprastrukturang pautang ng International Monetary Fund-World Bank sa estado.

Pinadrino ni Pres. Marcos sa mga kroni niya at ginawang gatasan ang mga proyekto ng IMF-WB sa bansa. Habang kontrapunto ang iba pang elemento ng anthrophony, “Justice for Aquino Justice for All”, “Tunay, Palaban, Makabayang Unyonismo”, “Marcos-Hitler-Diktador-Tuta”, “Diktadurang US-Marcos Ibagsak”.

Naghunos ang mga elemento ng kalatagan ng tunog sa pag-igting ng batas militar. Gayon man, sinasabi ni Raul C. Navarro, Ph. D., sa libro niyang MUSIKA AT BAGONG LIPUNAN: Pagbuo ng Lipunang Filipino, 1972-1986, Hotdog at VST & Co., mga bandang nagpauso ng Manila Sound, ang siya ring nanguna sa pagbunsod ng OPM (Orig).

Ngunit mag-oorganisa pa lamang ang OPM (Org), sa pangunguna ni Jim Paredes, ipinarehistro nila ito sa Security Exchange Commission noong 27 Oktubre 1986 pitong buwan pagtalsik ng diktador.7 Pinirmahan ni Pres. Cory Aquino noong 25 Hulyo 1987 ang EO 255, batas na nagtatakda sa mga istasyon ng radyo na magpatugtog ng “original Pilipino musical compositions” sa minimum na apat na beses kada oras.

Samantala, sumaliw pa ang mga islogang “Total War ni Cory labanan”, “welgang bayan”, pribadisasyon, deregulasyon, liberalisasyon ibasura”, “itigil ang kontraktwalisasyon”, sa anthrophony ng democratic space na binunsod ng People Power bilang paraan ng pagbabagong panlipunan. Sapagkat ang mga lungsod na cosmopolitan ay nagbibigay motibo sa konsolidasyon ng mga recording industry, nakokontrol nito ang merkado.8 Ito ang dahilan ng paglaganap ng musical instruments noong dekada 90. Kasabay ang sinasabing ikalawang bunsod ng golden age ng OPM (Orig).

PAGKAMAL ANG BINUBUHAY NG OPM (ORG), HINDI SINING AT KULTURANG PINOY

Patuloy ang pagsamâ ng kondisyon ng kalakal na OPM (Orig) sa merkado dahil kontrolado ng dayuhan ang industriya ng rekording at malalaking pakonsert.9 Nitong isang linggo lang naipost sa Facebook ni Rey E. Magtoto, arranger at myembro ng Wadab, bandang sumikat noong kasagsagan ng Pinoy Rock, “deka-dekada na hawak ng mga SINDIKATO ang ating industriya at damang-dama natin yan”. Bagamat hindi na nagdetalye nang komentuhan ang thread ng post niya, ng beterano ring hitmaker na si Vehnee Saturno.

Umabot naman sa higit 2,300 likes at 648 na share ang post, nitong Enero 2017, ni Bobby Balingit ng Wuds, bandang pioneer ng Pinoy punk, tungkol sa pagkakaiba ng OPM (Org) at eksena ng mga musikong indie.

Linawin ko lang mga kasama. Magkaiba ang OPM na samahan ng …ilang …musikero, sa mga pinoy na musikero. Pilit na binubuhay ng OPM ang musikang Pilipino na akala nila na namatay daw. Sa aming mga artist ng musikang Pilipino ay walang ganung pangyayari.

Hinayag pa ni Balingit na komersyalismo ang problema ng OPM (Org) sa industriyang ginagalawan nila. Habang “kuwari concerned sa sining at kultura samantalang ang tunay na pinapaboran ay mga sarili para kumita ng malaki sa tulong ng mga sponsors na nakakagulo lang sa industriyang ito”. At ang gawain ng isang artist ng musika, aniya, ay “linangin ang sining at kultura para sa pag-unlad ng pagkatao”.

Halata, magkaiba ang trato ng mga myembro ng OPM (Org) at ng gaya nina Magtoto at Balingit sa kanikanilang propesyon. Posible pa kaya, kung kailan man, na mapagkasundo ang musika bilang kalakal kontra sining at kultura? Nakaugat ang paninidigan, ng isang panig, sa malaganap at mainstream na cosmopolitan na pagnanasa. Habang ang pakay ng kabila sa ikatatatag ng moral at identidad ng kapwa.

Mga talâ

  1. Paglalahad ito ni Atty. Chito Gascon, chair, Commission on Human Rights, tumayong campaign manager ni BS Aquino III noong Election 2010, interbyu ng may-akda para sa proyektong dokyu: Kokak at Isang Mahaba-habang Usapan, Jumpcut Productions; na tinatapos noong bandang Hunyo 2010, Liberal Party Headquarters, Pasong Tamo, Makati City.
  2. Pinapaliwanag nila Pijanowski et al, p. 204, na idinagdag nila sa taxonomy ng tunog: biophony at geophony ni Krause (1987); ang natukoy nilang anthrophony.
  3. Tingnan kay Schafer (1969), p. 6. Ayon sa pagsasalarawan niya, nag-iiba-iba ang tunog ng isang lugar depende sa istorikong mga yugtong pinagdaanan nito.
  4. Tingnan sa Stokes, Martin. p. 6, pinaliliwanag niyang bagamat ang musical cosmopolitanism ay binunsod ng globalisasyon, pagkakataon ito upang pag-isipan ang produktibong aspekto, gaya ng pagkatuto sa musika ng ibang lugar na umaabot sa isang cosmopolitan na lungsod. Ibinabala niya rin ang tension nito sa musical nationalism.
  5. Tingnan sa Navarro, p. 10,
  6. Caruncho, p. 17, naging hudyat ang batas militar upang paghusayin ng bagong henerasyon ng Pinoy rockers ang kanilang tugtugan at mga komposisyon.
  7. Tingnan ang NET 25, Pambansang Almusal, property of NET 25. “Opm General Assembly, Pambansang Almusal Coverage.” Binanggit sa Umil, Roberto O. Moderato sa Koro sosyokultural na talambuhay handog ng OPM (Original Pilipino Music) sa masusugid na Metro Manilenyo, 1986-1992. Quezon City. 2017.
  8. Tingnan sa Stokes.
  9. Tingnan sa Alcasid, Jr., Herminio “Ogie”, p. 1.

Mga sanggunian:

Alcasid, Herminio “Ogie”. Performer’s Equity Program in the Philippines. Pinoy Music Summit 2014, Manila, 19 Mar. 2014.

Amo Ng Pulitiko. “JR Prisno – Amo Ng Pulitiko.” YouTube. 9 Mar. 2016. Web. www.youtube.com/watch?v=3BqwwC4AXtU

Baguilat, Teddy Brawner. “House Bill 4218 not cast in stone.” Philippine Daily Inquirer 13 Mar. 2015 :n. pag. Opinion. Web. opinion.inquirer.net/83266/house-bill-4218-not-cast-in-stone#ixzz4s4dngY19

Balingit Bobby. Facebook. 14 Ene. 2017. Web. www.facebook.com/bobby.balingit/posts/10208320750076444

Carvajal, Dolly Anne. “Annual celebration of Filipino music set.” Philippine Daily Inquirer 14 Jul. 2015 :n. pag. DOLLYWOOD Entertainment/Columns. Web. entertainment.inquirer.net/174181/annual-celebration-of-filipino-music-set

Caruncho, Eric. Poets, Punks and Poseurs. Pasig City: Anvil Publishing, 1996.

DCRJPhilippines. “Pres NOYNOY AQUINO Inaug. – NOEL CABANGON ‘TUNGO SA PAGBABAGO, PARA SA PAGBABAGO’ – Part 9/15.” YouTube. 30 Jun 2010. Web. www.youtube.com/watch?v=BR7uo-MXqHY

EILER. Manggagawa: Noon at Ngayon. Lungsod Quezon. Ecumenical Institute for Labor Education, 2002. Limbag.

FHM Philippines. “Ely Buendia Will Save OPM.” YouTube. 22 Aug 2016. Web. www.youtube.com/watch?v=aRym9Mt22M8

GOVPH. “Executive Order No. 255.” Official Gazette. 25 Jul. 1987. Web. www.officialgazette.gov.ph/1987/07/25/executive-order-no-255-s-1987/

Jaromay Laurente Pamaos LAW OFFICES. “OPM DEVELOPMENT ACT OF 2014 (HOUSE BILL NO. 4218).” Philippine e-Legal Forum Philippine laws and legal system, 23 Feb. 2015 in Obiter/News. Blog.
jlp-law.com/blog/opm-development-act-of-2014-house-bill-no-4218/

Magtoto, Rey E. Facebook. 3 Sep. 2017. www.facebook.com/permalink.php?story_fbid=1842671309395844&id=100009589776072

Navarro, Raul C. MUSIKA AT BAGONG LIPUNAN: PAGBUO NG LIPUNANG FILIPINO, 1972-1986. Lungsod ng Quezon: Ateneo de manila University Press, Bellarmine Hall, Loyola Heights, 2014. Limbag.

Pambansang Almusal, property of NET 25. “Opm General Assembly, Pambansang Almusal Coverage.” YouTube, 5 Peb 2014. Web. 4 Abr. 2015. www.youtube.com/watch?v=t48gPVwoJHI&t=315s

Pearson, Andrew . Cory rally Bayan Ko. YouTube. 25 Jul 2011. Web. www.youtube.com/watch?v=743jioCbVas

Pijanowski, Bryan C. et al. Soundscape Ecology: The Science of Sound in the Landscape. BioScience.  March 2011 / Vol. 61 No. 3.  p. 204

Presidential Broadcast Staff. “Pinoy Music Summit.” RVTM. 19 Mar. 2014. Web. rtvm.gov.ph/main/?p=21144

Raindeocampo. “PINOY MUSIC SUMMIT 2014: Highlights and Recommendations.” rainCHECK
People, Events, Places, Lifestyle, Entertainment and LIFE’s Awesome Treasures. March 23, 2014. Blog. http://www.raindeocampo.com/2014/03/23/pinoy-music-summit-2014-highlights-and-recommendations/

Rappler. “Freddie Aguilar sings at the Duterte inaugural.” YouTube. 29 Jun 2016. Web. www.youtube.com/watch?v=bCsr44-_org

Robin Daniel Z. Rivera. “The Devolution of a Sonic Community Ritual.” HUMANITIES DILIMAN 11:2, (JULY-DECEMBER 2014): 113-123.

Stokes, Martin. On Musical Cosmopolitanism. The Macalester International Roundtable 2007 Institute for Global Citizenship. 2007.

Schafer, Murray. The New Soundscape. SCARBOROUGH, ONTARIO: Berandol Music Limited / NEW YORK: Associated Music Publishers, Inc., 1969. NetLib. Web.

Umil, Roberto O. “Moderato sa Koro sosyokultural na talambuhay handog ng OPM (Original Pilipno Music) sa masusugid na Metro Manilenyo, 1986-1992.” Tesis. DFPP, CAL, UPD. Quezon City. 2017

Videos Showtime, ABS-CBN.com. TNT: “Mark Michael Garcia, tuloy-tuloy ang pamamayagpag bilang kampeon sa ika-8 araw. YoutTube, 08 Sep 2017. Web. entertainment.abscbn.com/tv/shows/itsshowtime/videos/2017/ 09/08/50090817-tnt-mark-michael-garcia-tuloy-tuloy-ang-pamamayagpag-bilang-kampeon-sa-ika-8-araw

Wish 107.5. ‘Regine Velasquez-Alcasid sings “Araw-Gabi” LIVE on Wish 107.5 Bus (Powered by PLDT Home Fibr).’ YouTube, 3 May 2017. Web. www.youtube.com/watch?v=uTuMzurqMME

Show comments