SQUEEZE Opinion

Ang Matuwid na Daan, Change is Coming, at ang Riles

Efren Alverio II

By: Efren Alverio II | Squeeze Opinion | Published December 6, 2017 | Updated December 10, 2017

0
0

Madalas nating mababasa sa social media ang sabungan ng maaanghang na salita. Sa katunayan, hindi lang uso ang bastusan ngayon. Mas maituturing ka pang petmalu o lodi kung hari ka ng kabastusan. Halimbawa na lang ang madalas na palitan ng maanghang na mga salita ng mga pro o kaya ng mga anti sa administrasyong Duterte. Pero kung bibigyan ng mas malalim na pansin, hindi lang naman pagiging dilawan o ka-DDS ang sanhi ng alitan. Bagama’t mayroon talagang panatisismo lang ang pinapairal, mayroon namang pinag-iisipan talaga ang kanilang mga politikal na paniniwala sa buhay.   Sa mga nag-iisip na may kalaliman, dito pumapasok ang  pilosopikal na antas ng pangangatuwiran. At karaniwang pinagmumulan ng hindi pagkakaunawaan sa ganitong antas ay ang pagkakaiba sa pananaw kung ano ba ang maituturing na mabuti – mabuti para sa sarili o kaya naman ay mabuti para sa nakakarami.

Ang salitang mabuti, na sa Ingles ay good, ay hindi kasing-klaro ng ibang salita. Ito ay hindi kagaya ng pangalang “Rodrigo Duterte” na may ibig sabihin na “ang dating mayor ng Davao at siyang presidente na ng Pilipinas ngayon.” Ang salitang mabuti ay may halintulad sa salitang maganda sa kadahilanang  hindi klaro ang ibig sabihin ng mga salitang ito. Kagaya nang ang maganda kay Pedro ay posibleng hindi maganda para kay Juan, ang mabuti ay tila nakadepende rin sa panlasa ng isang tao. Itong  pagkakaiba ng panlasa ang isang dahilan kung bakit posibleng may ibang pang-unawa ang bawat isa kung ano ang ibig sabihin ng salitang mabuti. Sa pilosopiya, meta-ethics ang tawag sa pag-aaral ng salitang mabuti at kung paano ito ginagamit sa lenggwahe. Normative ethics naman ang bansag kung pagiging mabuti o pagiging tama naman ng pagkilos o aksyon ang pag-uusapan. At bagama’t maraming teorya sa larangan ng normative ethics ang naimbento para maipaliwanag ang mga posibleng pananaw kapag tama at mabuting aksyon ang pag-uusapan, mayroong dalawang teorya sa pilosopiya na tila mas sikat kaysa sa iba – ang deontolohikal at ang teleolohikal na mga pananaw.

Ang teoryang deontolohikal ay nanggaling sa salitang Griyego na deon na ang posibleng kahulugan ay obligasyon. Ang teorya na ito ay nagsasabi na ang isang aksyon ay mabuti kung ito ay ginagawa dahil sa dala ng pangangailangan (necessity) o tungkulin (duty). Mahalaga rin sa teorya na ito ang pagsunod sa mga alintuntunin (rule). Halimbawa nito ay kung gagamitin nating ehemplo ang pagiging mabuting estudyante: ang isang mabuting estudyante ay nagaaral nang husto, ginagawa ang lahat ng kanyang mga takdang aralin, at hindi nandaraya sa kanyang mga pagsusulit. “Dapat tapusin mo na ang assignments mo!” ay isang halimbawa ng pangungusap na nagpapakita ng obligasyon. Kadalasan, kagaya ng nabanggit na halimbawa, nagsisimula ang mga pangungusap na nagpapakita ng obligasyon o katungkulan sa salitang dapat. Pero bukod sa pagsisimula sa dapat, nariyan rin ang mga pangungusap na nagpapakita ng kahalagahan ng pamamaraan: “Hindi baleng mababa ang grado basta ba ginagawa mo ang iyong best.” Kagaya rin ito ng madalas nating marinig sa ating mga guro na “Masama ang mangopya!” 

Sa kabilang banda naman ay nariyan ang teoryang teleolohikal. Nanggaling sa salitang Griyego na telos na ang ibig sabihin ay katapusan, ang teorya na ito ay naniniwalang mabuti ang isang bagay dahil sa resulta o produkto ng isang aksyon. Kaya kung babalikan natin ang halimbawa ng isang mabuting estudyante – mabuti ang isang estudyante kung siya ay may mataas na grado o kaya ay makapapasa sa kanyang mga pagsusulit. Bagama’t hindi lahat ng gumagamit sa teorya na ito ay magsasabi na maaari nang gawin ng isang estudyante ang kahit ano basta may mataas na grado o kaya naman ay para makapasa, mayroong ilan na mayroong ganitong negatibong uri ng teleolohikal na pananaw. Kaya para sa iba, maari mong gawin kahit na mangopya, mag-plagiarize, o kahit na maglagay sa principal o guro basta makapasa lamang. Ito ay may pangangatwirang “Ang isang estudyante na hindi papasa sa kanyang kurso o kaya ay may mababang grado ay hindi mabuting estudyante.” Subali’t hindi lahat ay mayroong ganitong negatibong teleolohikal na pananaw. Mayroong iba na maganda naman ang layunin. Mayroong mga estudyante na dahil sa ambisyong makapagtapos ay isasantabi ang lovelife o ang pagkakaroon kaya ng barkada. Sa madaling salita, kung para sa dentolohikal na pananaw ay mahalaga ang kapamaraanan, ang importante para sa mga naniniwala sa teolohikal na pananaw – negatibo man o positibong uri – ay ang resulta.

Kung susuriin natin nang mas malalim ang mga bangayan sa social media, makikita natin na may kaibahan sa pilosopiya ang mga taong nagkokomento rito. Nariyan ang mga taong naniniwala na mahalaga ang pagsunod ng mga nanunungkulan o ng mga alagad ng batas sa Konstitusyon. Ito ang dahilan kaya may mga taong galit sa mga tinatawag na extrajudicial killings. Sa kabilang banda, nariyan naman ang mga taong naniniwala na dahil sa matinding problema sa droga ng bansa, hindi maiiwasan ang collateral damage. Mayroong iba pa nga na naniniwala sa kasabihang “Desperate times need desperate measures.” May iilan rin na pabor sa patayan lalo na kapag diumano mga kriminal ang mapapatay – kahit walang due process. Mapapansin natin ito sa mga komento sa social media na mas nagbibigay importansya sa karapatang pantao ng biktima kapalit ng pagbalewala sa karapatang pantao ng nambibiktima. At kung susuriin nga nating maigi, kahit na sa slogan pa lamang ng mga partidong politikal ay makikita na natin ang kaibahan ng mga pilosopiya. Habang ang isang partido ay mayroong “tuwid na daan,”  ang isa naman ay mayroong “change is coming.”  Habang ang isa ay nakatuon sa pamamaraan ng pagkilos ng matuwid, ang isa naman ay nakapokus sa resulta –  nangangakong mayroong pagbabagong parating sa hinaharap.

Hindi ko layunin na husgahan, sa puntong ito, kung anong pilosopikal na pananaw ang tama. Ang magandang pag-isipan ay kung ano ba ang mas mainam na paniwalaan sa dalawang teoryang nabanggit.A t para maging mas madali ang pagpili kung ano ba talaga ang mas magandang paniwalaan, deontolohikal o teleolohikal, mayroong madalas gamiting kapamaraanan ang mga pilosopo – ang paggamit ng thought experiment. Ang eksperimentong ito ng kaisipan ay gumagamit ng imahinasyon upang lubos na maunawaan ang mahihirap na mga sitwasyong may pilosopikal na implikasyon. Dinaraan ito sa paggamit ng imahinasyon dahil mahirap itong gawin o i-reenact sa tunay na buhay. Isang halimbawa ng thought experiment na ito ay ang runaway trolley na inimbento ni Philippa Foot. Ito ay tumatakbo nang ganito:

“Mayroong isang tren na nawalan ng preno at pabulusok na tumatahak patungo sa limang pahinante na gumagawa sa riles. Wala silang kamalay-malay sa napipintong kamatayan. Sa eksenang ito, isipin mo na ikaw lamang ang nakakikita sa parating na tren. Sa iyong harapan ay mayroong switch na maari mong kalabitin upang lumipat ang tren sa katabing riles kaya maari mong iligtas sa tiyak na kamatayan ang limang pahinante. Pero may problema. Sa riles na paglilipatan ng tren ay mayroong isang pahinante na nagtratrabaho rin. Ang tanong ay kakalabitin mo ba ang switch para lumipat ng riles ang tren? Kung hindi mo ito kakalabitin, lima ang mamamatay. Kung kakalabitin mo, maililigtas mo sa tiyak na kapahamakan ang lima pero mamamatay ang isa. Ano ang iyong gagawin?”

Mayroong mga nagsasabi na hindi nila kakalabitin dahil ayaw nilang maging kaparte o complicit sa kamatayan ng isang pahinante kaya hahayaan na lamang nilang mamatay ang lima. Ang karamihan ng nagsasabi na hahayaan nilang mamatay ang lima kaysa maging aktibong kabahagi sila ng kamatayan ng isa ay maituturing na deontolohikal na pananaw. Mas mahalaga ang rule o ang kapamaraanan kaysa sa resulta. Ngunit paano ang dapat gawin kung ang ating justice system ay hindi gumagana nang maayos, corrupt, o kaya ay madalas kumiling sa maykaya?

Sa kabilang dako naman, mayroon ring nagsasabi na kakalabitin nila ang switch dahil mas mahalaga ang buhay ng lima kaysa ng isa. Ginagamit ng mga naniniwala sa teleolohikal na pananaw ang pangangatuwirang “the greatest good for the greatest number.” Dahil rito, mas mainam na piliin ang buhay ng limang nakararami kaysa buhay ng isa. Kung pag-aaralan nga natin ang kasaysayan, halos lahat yata ng gobyerno sa buong mundo – base sa kanilang mga nakaraan – ay nagkaroon ng ganitong uri ng pangangatuwiran lalo na kung survival ng estado ang pinag-uusapan. Subalit kung may mabuting naidudulot ang ganitong pananaw, mayroon ring pang-aabuso na maaring mangyari sa ganitong uri ng sistema – kagaya ng pagpapatupad ng kasabihan sa Ingles na “the end justifies the means.” Kahit na sa ating kasaysayan nga ay alam nating marami tayong mga bayani na pinapatay ng kapuwa nila Pilipino para lang sa ideya ng kung ano ang nakabubuti sa pambansang interes. At dahil sa parehong mayroong positibo at negatibong implikasyon ang dalawang pananaw, mayroon rin namang nagsasabi na false dilemma ang naturang eksperimento dahil sa tunay na buhay naman raw ay hindi lang dalawa ang pagpipilian. Dito papasok ang pangangatuwirang kung mahalaga ang pagsunod sa batas o rule-following, mahalaga rin na isaalang-alang kung ano ang makabubuti para sa nakakarami. Dahil dito, may mga pilosopong pinaghahalo ang dalawang mga teorya.

Ngunit ano kaya kung mula sa ibang anggulo naman natin tingnan ang thought experiment? Paano kung wala kang maaring piliin sa dalawa – teleolohikal man o deontolohikal?  At paano kung hindi mo rin maaring paghaluin ang dalawa?

Sa thought experiment na nabanggit, makikita natin na tayo ay nasa masuwerteng sitwasyon.  Masuwerte dahil tayo ay nasa posisyong mamili kung kakalabitin ba ang switch para lumipat ng riles ang tren. Pero paano kung tayo ay nasa sitwasyon ng lima o ng nag-iisang pahinante na walang kaalam-alam na mayroong parating na tren? Paano kaya kung mula sa pagiging isang active participant, tayo ay mapunta sa posisyon kung saan wala tayong choice sa takbo ng ating buhay?  Paano kung ang mga kaganapan sa buhay natin ay nakasalalay sa desisyon lamang ng iilan?  Malamang hindi na natin iisipin kung nagiging complicit ba tayo o kaya naman ay mayroon tayong pananaw na para sa ikakabuti ng nakakarami. Kapag ang buhay natin ay nasa “riles,” wala nang saysay kung anuman ang ating pilosopikal o politikal na pananaw. Baka nga sa sitwasyong buhay na natin ang nakataya, wala nang saysay ang pamimilosopiya o kung anumang ideolohiyang politikal mayroon tayo.

Sa labanan ng mga grupong “tuwid na daan” at ng “change is coming” ay mayroong mga sektor ng lipunan na palaging talunan –  parang mga pahinante na nagtratrabaho sa riles na sa anumang oras ay mamamatay dahil may pabulusok na tren. Habang ang iba sa atin ay masuwerteng makapipili kung magiging dilawan o ka-DDS, marami sa ating mga kababayan ay walang choice. Habang iniisip ng iba kung kakalabitin ang switch para mabuhay ang nakakarami o ang iilan, may mga taong walang kaalam-alam sa kanilang napipintong wakas. Nakasaad nga sa pinakahuling estadistika ng Social Weather Station na:

“The Third Quarter 2017 Social Weather Survey, fielded on September 23-27, 2017, found that 46% of adult Filipinos agree with the statement, ‘Hindi maiiwasan na may mamatay na inosenteng mamamayan upang tuluyang masugpo ang illegal na droga sa ating bansa.'”

Kung ang pagbabatayan ng pagiging tama o mali ay ang pagpitik ng switch – lumalabas na magiging tama lamang ang isang tao kung consistent sa kanyang paniniwala ang gagawin niyang aksyon. Subalit paano kung ikaw ay walang kalayaang pumili ng iyong aksyon? Paano na kung wala kang direktang partisipasyon sa kahihinatnan ng iyong buhay? Paano kung wala kang choice? Habang tila masuwerte ang iba na mayroon silang karapatang mamili kung kakalabitin ang switch para mabuhay o mamatay, tila marami sa ating mga kababayan ay morally unlucky dahil sila ay nasa “riles ng buhay.” Gaya nga ng sinabi ng bagong tagapagsalita ng Pangulong Duterte na si Sec. Harry Roque: “Well, in any war, unfortunately, there will be collateral damage.”

Kung kasama ka roon sa limang nakararami – medyo masuwerte ka pa. Pero kung kabilang ka doon sa nag-iisang posibleng maging collateral damage – malas mo na lang talaga dahil petmalu ang sasapitin mo.

Show comments