SQUEEZE Culture

Ang Larawan: Tungo sa Pa-burgis Mula Ilustrado na Ritwalistikong Lagos ng Pamilya Marasigan

Abet Umil

By: Abet Umil | Squeeze | Published January 9, 2018 | Updated January 15, 2018

0
0

Hindi nagkamali ang Cinema Evaluation Board sa pagbigay ng “grade A” sa pelikulang “Ang Larawan.” Ang kombinasyon ng pag-arte, indak at pagkantang rekisitos ng musikal na pelikula ay mani lang sa buong cast. Lodi si Cris Villonco sa werpa ng operatic na boses kahit supporting ang role niya. Cool ang ganap ni Sandino Martin, bilang Bitoy Camacho, journalist na kababata nina Candida at Paula Marasigan. May isang rebyu na nagsabing alangan sa pagkanta si Paolo Avelino, gumanap na Tony Javier, ouido na pianista sa vaudeville at boarder sa Bahay na Bato ng Pamilya Marasigan, daigdig ng tagpuan. Pasók ang punto ng isa pang rebyu, na nagsabing solb ang pagkanta ni Avelino, bilang bohemyong karakter na gustong makarating sa Paris upang mag-aral pa ng musika’t abogasiya. Ang malupit, kahit hirap si Joanna Ampil sa formal na Filipino, walang aksentong Ingles. Karapat-dapat siya sa napanalunang Best Actress award sa 2018 Metro Manila Film Festival (MMFF) bilang Candida, astigin kaysa kapatid na Paula na ginampanan naman ni Rachel Alejandro, tipikal na babae sa panahunan ng tagpuan.

Maliban kay Avelino, lahat ng cast na kumakanta ay beterano sa teatro. Teatrong bihasa sa pagpapalabas ng mga istoryang may appeal sa English-speaking audience at corporate sponsors. Huli ng potograpiya ni Boy Yñiguez ang ambience sa pamamagitan ng pilíng montage ng mga detalye ng Bahay na Bato. Pirmis ang disenyo ng produksyon ni Gino Gonzales sa moog ng military architecture ng Intramuros sa loob ng Manila circa peacetime, sa bihis ng mga karakter, publiko at pribadong sasakyan. Malaking bagay ang scoring ng ragtime jazz-kundiman ng musikang vaudeville ni Ryan Cayabyab. Pagpasok ng dekada 30, ito ang naging ebolusyon ng martsa-kundiman ng musikang sarswela na sinigabo ng mga Kastila sa musikal na tenga ng taga-pueblong mga Pinoy.

Ang larawan sa pamagat ay isang imahen na interpretasyon ng pagbubuhat ni Aeneas sa amang si Anchises habang palayo sa gumuguhong lungsod ng Troy, bahagi ng isang klasikong epikong Griyego. Ang nasabing larawan ang huling obra ni Don Lorenzo “El Magnifico” (Leo Rialp), patriyarka nina Candida, Paula, panganay na si Manolo (Nonie Buencamino) at Pepang (Menchu Lauchengco-Yulo), nakabukod nang may kanya-kanyang pamilya. Handog ng ama ang larawan sa dalawang nakababatang babaeng anak na kasama sa bahay at nag-aalaga sa kanya habang palubos ang pagtanda at nang siya’y “maaksidente.” Layon ang larawan ng usyoso at paghanga ng mga kaibigan ng pamilya at publiko. Maging ng sideline ni Tony upang marating ang Paris. Dahil dumalang na ang sustento nina Manolo, Pepang, at hindi na nagpipinta si El Magnifico, pinagdiskitahan nina Manolo’t Pepang na buyuin ang pagbenta sa larawan at buong bahay. Ngunit kailangan ng kumbinsihan sa pagpayag nina Candida’t Paula.

Sa Ilalim ng Bubong ng Bahay na Bato

Ramdam ang sidhi ng domestikong iringan ng ilustrado-pensionadong pamilya sa ilalim ng bubong ng Bahay na Bato. Gaya ng sarswelang pinaglaho ng vaudeville, ang Bahay na Bato ay ebolusyon ng pre-Kastilang bahay-kubo. Ano ang mangyayari sa kosmopolitanong pamilya sa panahon ng “paghuli ng daga”? Naulinigan ko mula sa dilim ang magkakahiwalay na kumpol ng tawanan ng manonood nang banggitin ito sa dayalog nina Paula’t Candida. Sumagi sa isip ang kontextong kampanya ng Commonwealth ni Presidente Manuel L. Quezon, upang lutasin ang taggutom dahil sa pesteng epekto ng daga sa agrikultura.

Naalala ko pa ang datos na ito, ginamit din sa isang pelikula sa MMFF 1984. Upang mapalahok ang maraming mamamayan at bumilis ang paglutas, binibili ng gobyerno ang bawat buntot ng mahuling daga. Hamon kung lalahok sa kampanya si Candida at magtuturo ng wikang Kastila si Paula para magkaroon ng pambayad sa kuryente. Ngunit bahid sa reputasyon ng pamilya ang tingin dito nina Manolo’t Pepang, lalo pa’t lulong sa mahjong, karera ng kabayo, Hollywoodish lifestyle ang panganay na kuya’t nakatatandang ate.

Ngunit mas malaking problema ang nagbabantang bumaklas sa bubong ng Bahay na Bato – ang pagkadamay ng Commonwealth sa iringan ng monopolismo at pasismo ng mga imperyalistang Amerikano’t Hapon. Mula ilustrado-pensionado, sa anong katayuan sa buhay pupulutin sina Paula’t Candida, Manolo’t Pepang, nang papahantong sa muling-ritwal ng World War II (WW2)?

Gayon man, titimbangin ito ng payo ng makatang senador na si Don Perico (Robert Arevalo), ninong nina Paula’t Candida, kaibigan ng patriyarkang El Magnifico. Sa puntong ito, interesante ang ungkat ni Candida at baliktanaw ni Don Perico sa kanyang pagmamakata at pagiging burukrata. Sasagi tiyak sa isip ng manonood na manunulat, na maláy sa kasaysayang pampanitikan, ang debate nina Salvador P. Lopez (“sining at panitikang nakikisangkot”) at Jose Garcia Villa (“for art’s sake”) kaugnay ng papel ng sining at panitikan sa pagbabagong panlipunan sa totoong buhay mula pa dekada 30.

Ang Kaibahan ng, at Kakaiba sa, Dalawang Bersyon ng Pelikula

Ang musikal na “Ang Larawan” ay ikalawang interpretasyon sa pelikula mula duláng “A Portrait of the Artist As Filipino” (1950) ni Nick Joaquin. Habang realistiko ang direksyon noong 1965 ni Lamberto Avellana sa diretsong Ingles, binudburan ng Kastilang idioma ang dayalog. May asiwang pakiramdam sa nakaternong Candida’t Paula; pensionado ang dating ng naka-amerikanang sina Bitoy at Tony habang nag-i-Ingles. Filipino ang wika, may indakan at pakantang sinasaliwan ng musika ang dayalog bagaman pareho pa ring akulturado ng Amerikanisasyon ang mga karakter nitong 2017 bersyon ni Arcenas. Tulad ng orihinal na dula ni Joaquin, ipinagmamalaki ng mga kritiko, artista, akademiko, midya ang parehong bersyon ng pelikula bilang dekalidad na obrang tagapagtaguyod ng pambansang identidad.

Ngunit ang ganda ng pelikulang ito, at akda ni Joaquin, ay tanging ang boarder na si Tony at ang dalawang pulis lamang, na katawa-tawa ang kaugnayan ng mga karakter sa labas ng alta-sosyedad na katayuan nila sa buhay kaysa magpakumbaba na humingi ng tulong sa mas kapwa api, bagaman nakabababa ang katayuan sa kanila. Kinayang paglaruan nina Candida’t Paula ang awtoridad. Gayon man, wala ni isang magsasakang karakter na unang-unang apektado ng peste ng daga sa agrikultura. Nasa bingit na ang simula ng pagdausdos ng Pamilya Marasigan; pinasisidhi ng nakaambang WW2. Ngunit napapanaig pa ng magkakapatid ang pagkaabala ng pakiramdam at isip na posibleng libakin lamang sila ng komunidad.

Nalalagay kung gayon sina Candida’t Paula sa posisyon na sumailalim o sumuway sa mga balak ng kanilang kuya at ate. Bagaman hindi ipinakita ni minsan na ginamit ang mga terminong ito ng hirarkiya ng pamilya. Dahil nakasanayan ang nosyon na burado ang relasyong ito kapag maalwan ang ekonomya? Tanging pagpupurisigi ni Tony kina Candida’t Paula na ibenta ang larawan sa kliyenteng dayuhang may alok na $10,000 (sa panahong katumbas ng P2.00 ang kada $1.00) ang posibleng pag-asang makaahon. Ngunit ang kwestyonableng buhay-bohemyo ni Tony ang nagpapalakas ng alinlangan na magtiwala sina Candida’t Paula. Alusyon ng pagbenta sa Pilipinas ng Espanya sa Estados Unidos na ginawang lehitimo ng Treaty of Paris. Sa kabilang banda, may dama ng pagkagiliw ang kasarian nina Candida’t Paula sa tikas ng boarder.

Pesteng Daga Kasi

Nakawangis ang ganitong karakterisasyong sa Pamilya Marasigan sa “closed circuit” o “sistemang sarado” ng ilustrado (Salazar 2000). Pinalakas ng Amerikanisasyon naipalaganap ng pampublikong edukasyon sa ilalim ng kolonyal na gobyerno ng Estados Unidos. Ayon kay Salazar, nagkakaintindihan ang uring ilustrado base sa mga kulturang nagbubuklod sa kanila. Sa kaso ng pelikula, makikita ito sa paggamit ng wikang Ingles at Kastila, pananahan sa Bahay na Bato, pagka-Filipino ngunit Griyego ang pamantayan sa sining, bihis terno-bestida-amerikana, paraan ng pagtimpla ng tsokolate, pagkagiliw sa vaudeville, manipulasyon sa autoridad, pagpapahalaga sa kapitalistang modernidad, at pagmamataas na itinungtong sa kultura ng mga magsasakang inilagak ng akda at pelikula sa metapora na pesteng daga, na dapat lamang hulihin at puksain.

Sa kabila ng alinlangan nina Candida’t Paula sa isa’t isa at kay Tony, ipokrisiya nina Manolo’t Pepang, bukas-bisig sa Pamilya Marasigan ang mga kasirkulong alta-sosyedad ng senador, konstabularyong protektor, asa-asawa nila, at iba pang nagsidalo sa bailehan sa Bahay na Bato sa bandang dulo. Isang pasinaya ang bonggang deus ex machina na prusisyon ng La Naval sa rumurok na katotohanang borloloy ng pelikula – ang ritwal na salitan ng mga bomba’t bala ng imperyalismong US at Japan na dumurog sa moog ng Intramuros at buong Maynila.

Paghupa ng usok, wagayway ang mga banderitas kasabay ng di-magkamayaw na pagbating, “Victory, Joe!” Ito ang ritwal ng paglagos ng ilustradong Pamilya Marasigan sa kalubusang transpormasyon na maging kolonyal at burgis.

Ngunit kolonyal at burgis na nga ang identidad, na nais gawing opisyal na pambansa, ng mga humawak sa kapangyarihan ng neokolonlyal at neoliberal na mga rehimen. Hindi pa sapat ang ipokrisiya ng burgesyang lumustay sa mga pangako ng Bagong Lipunan at People Power.

Show comments