SQUEEZE Culture

Dagli: Ang Gabi ng Isang Barker

Emmanuel Barrameda

By: Emmanuel Barrameda | Squeeze | Published August 8, 2017 | Updated August 16, 2017

0
0

Hinubad ni Puloy ang manipis niyang t-shirt pagkauwi ng bahay, saka binasa ng tubig sa gripo. Mabibigat at kumakalabog ang mga patak ng tubig sa lababo. Parang pantog na matagal na nagtimpi sa pag-ihi ang gripo. Dito niya isinalok ang kanyang mga kamay at ang manipis niyang t-shirt saka ginawang labakara sa kanyang mukha at katawan. Nag-anyong libag ang init ng maghapong sinuong niya sa pagtatawag ng pasahero ng jeep na biyaheng Cubao–Divisoria.

Binuksan niya ang electric fan at itinutok sa kanyang katawan para patuyuin ang sarili. Napatitig siya dito at sa kalendaryong nasa may ulunan nito. Sinimulan niyang isa-isahing bilangin ang mga araw pabalik, ang kung ilang tag-araw at tag-ulang pinangako niyang iiwan na ang lungsod. Tatlong taon na, sa bilang niya noong sinimulan niyang sabihing mag-iipon siya ng pera pauwi ng Albay. Nanatiling umiiling ang maingay na electric fan.

Dinukot niya sa kanyang bulsa ang kinita niyang kung ilang piraso ng barya at mga nalukot at natuping benteng papel. Inilapag niya ito sa mesa at gumulong ang ulo ng isang Rizal papunta sa bakanteng mangkok na nakalikha ng marahang kalansing. Nagsimulang magkakahol sa labas ang asong nakakalas ang kinakalawang na kadena, kasabay ng pagdagsa ng mabibigat at nagdadabog na patak ng ulan sa bubong ng kanyang barong-barong.

** bahagi ng koleksyon ng mga dagling Ang Unang Ulan ng Tag-araw

Show comments