SQUEEZE Culture

Dagli: Punchline

Errol John Gumogda

By: Errol John Gumogda | Squeeze | Published August 11, 2017 | Updated August 16, 2017

0
0

Nagliliwaliw ang iba’t ibang kulay ng ilaw sa entablado. Patalbog-talbog ang maliliit na bilog ng liwanag sa iba’t ibang itsura ng manunuod habang nagpapakalunod sa alon ng beer at kinakabag sa magdamagang hagalpakan.

Nasa gitna ng entablado ang dalawang beking taas noo’t wapakels sa ingay at sangsang ng panlalait. Handa naman daw sila sa gabi-gabing orasyong ito. Ang isa’y may katangkarang beki. Maganda kung nagkaroon ng totoong pagkababae. At ang isa, itinaas ng pulang stiletto at may mukhang puro kanto. Mga kantong pinatigas ng napakaraming dagok. Si Chester slash Cheska, sa gabing bihira niyang ginusto, mekanismo ang sandata laban sa mundong mapanghusga.
Patuloy ang paglalakbay ng ilaw. Sinenyasan niya ang partner na tumawag ng audience para umakyat sa entablado. Nasa serye sila kung sa’n trabaho lang, walang personalan.

Kuya tara lika rito! Dali! Ang pogi mo oh. Ba’t di ka magshades? – Tawanan ang mga tao nang humarap ang lalaking london bridge has fallen ang ilong.

Parang ayaw ni Kuya rito. Nagbreak ba kayo ng gf mo? Ay meron ba? – Gatong ni Cheska. Don’t you worry kuya magtatanong-tanong lang naman kami about your life. Baka kasi wala ng may pake e. chos!

Anong name mo po? – Erik. Larawan siya ng taong tinangay ng problema patungo sa comedy bar. – Wow ang gwapo ng pangalan ah. Anyare sayo? Tawanan ang audience. Si Cheska naman ang nagtanong. Erik, do you think when you kiss someone, your nose and hers will collide?
Pinoy ako e. Ba’t ba trip niyo ilong ko?! – matigas ang tinig.

Ay so kame hindi pinoy? Ganon? – Segunda ng isang beki. Sigawan ang mga tao.

Partner, I just wondered. Seryosong entrada ni Cheska. Unti-unting lumapit at umakbay kay Erik. Maliban sa bibig, saan kaya siya humihinga? Sigawan ang mga tao. HAVEY!! HAVEY!! HAV..

Lumipad ang mabutong kamao ng lalaki sa ilong ni Cheska matapos magbitiw ng malutong na punchline. Nagulat ang mga manunuod. Nalunok ang malulutong nilang tawa. Ang iba, lumolobo ang pisngi sa kapipigil. Habang hinahagip ng naglalarong mga ilaw ang beking napaupo sa entablado. Basang-basa ang pekeng pilik-mata. Ginuhitan ng luha ang pisnging pinupog ng foundation. At kinakapa ang matagal na pinag-ipunan. Para sa kanya, daig pa niya ang babaeng nakunan. Matapos niyang ingatan gaya ng sabe ni Doc, ang halos sariwang ilong na ngayo’y wasak na. Nasilayan ng bitin sa tawang madla ang beking basag ang tinig at ilong. Ibinalik ng isa pang punchline ang ingay sa loob ng bar. Ngunit nanggaling sa di kilalang nanlalangong boses.

Di bale! may warranty pa naman yan e!? Bumulwak ang maingay na tawanan. Mas malakas kaysa nung una. Habang umaalingawngaw ang paulit-ulit na HAVEY!!!

Show comments